LEGAZPI CITY- Nasawi ang tatlo katao habang isa pa ang sugatan matapos na gumuho ang dalawang bahay sa Purok 3, Brgy Maguiron, sa bayan ng Guinobatan Albay dahil pa rin sa epekto ng Tropical Storm Kristine.
Ayon kay Kgwd Helen Rasal, ang Brgy Kgwd ng Maguiron sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, naganap ang pagguho dakong alas-8 kagabi.
Natutulog na aniya ang mga biktima nang makarining ng malakas na tunog at doon na gumuho ang lupa.
Mabilis namang nakaresponde ang MDRRMO at BFP sa lugar kung saan agad na ikinasa ang search and rescue operations.
Unang nailigtas ang 16 anyos na bata habang naitakbo pa naman sa ospital ang 77 anyos na lolo at 50 anyos na ina, ngunit kalaunan ay parehong binawian rin ng buhay.
Samantala, mahigit 15 oras naman bago naretrieve yung katawan ng 19-yrs old na dalagita.
Nahirapan umano ang mga otoridad dahil sa mabibigat na semento na nakaipit sa biktima.
Ayon sa opisyal, nakasanayan umano ng pamilya na lumikas sa tuwing malakas ang ulan at hangin, subalit nung mangyari ang insidente ay hindi ganoon kalakas ang ulan kaya nakampante ang mga ito.
Unang pagkakataon rin aniya na may gumuhong bahay sa lugar at hindi naman ito kabilang sa mga t
ikonokonsidera na ‘landslide prone area’ ng naturang bayan.
Samantala, nagpaalala ang opisyal sa mga residente na maging alerto sa mga panahon ng kalamidad upang makaiwas sa anumang hindi inaasahang mga insidente.