LEGAZPI CITY- Kinumpirma ng Philippine National Police Bicol na tatlo na ang naitalang namatay sa rehiyon matapos ang pananalasa ng Tropical Storm Kristine.
Ayon kay PBGEN. Andre Dizon, ang Regional Director ng PNP Bicol sa naging panayam ng Bombo Radyo Legazpi, mayroong tig- iisang patay sa Catanduanes , Masbate, at sa lalawigan ng Camarines Sur.
Naitala rin ang anim na sugatan at isa ang naireport na nawawala.
Samantala, inaalam pa ng mga kapulisan kung may kinalaman sa bagyo ang pagkamatay ng isa pang indibidwal sa bayan ng Polangui, Albay.
Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang rescue at recovery operations ng mga kapulisan partikular na sa 3rd District ng Albay at sa Camarines Sur kung saan naitala ang pinakamaraming lugar na nalubog sa baha.
Nakikipag- ugnayan naman ang PNP sa iba pang LGU at sa mga concerned agencies para makatulong sa pagbibigay ng asistensiya sa mga apektado ng naturang bagyo.
Paalala ni Dizon na ilagay sa ligtas na lugar ang mga gamit ng mga residentes para makaiwas sa mga magnanakaw at huwag na muna lumabas ng kanilang bahay dahil mayroon pang mga lugar ang hindi madaanan.