LEGAZPI CITY- Na-rescue ng mga kinauukulan ang tatlong indibidwal matapos muntik pang mahulog sa bangin ang sinasakyan nito sa Barangay Batolinao, Baras, Catanduanes.
Kabilang sa mga sakay ng naturang sasakyan ay ang dalawang menor de edad.
Ayon kay Bureau of Fire Protection Baras Officer in Charge SFO2 Dennis Turado sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na lumabas sa inisyal na imbestigasyon na nakatulog ang driver ng naturang kotse kaya nawalan ito ng kontrol.
Idagdag pa umano ang madulas na kalsada dahil sa mga pag-ulan sa lalawigan.
Mabuti na lamang na hindi tuluyang nahulog sa bangin ang naturang kotse matapos maharangan ng mga tanim na saging.
Mapalad naman na hindi nagtamo ng malalang injuries ang naturang mga biktima.
Samantala, gumamit naman ng dalawang dump truck ang mga rescuers upang mahila pataas ang naturang sasakyan.