LEGAZPI CITY – Nadagdagan pa ang mga tinamaan ng coronavirus disease sa Bicol matapos ang pagkadagdag ng tatlong panibagong kaso mula sa Albay at Camarines Sur.
Sa pahayag mula sa Department of Health Bicol, kabilang sa mga panibagong kaso ang itinuturing na pinakabatang nagpositibo sa rehiyon sa edad na 17-anyos, babae mula sa Naga City, Camarines Sur na Abril 18 nag-umpisang makaramdam ng sakit kaya’t nagpa-admit sa Bicol Medical Center.
Pinakamatanda namang nagpositibo sa virus si Bicol #28 na edad 78-anyos na lalaki mula sa bayan ng Guinobatan, Albay na nag-umpisang magkasakit noong Abril 11.
Inaalam pa sa ngayon kung paano nitong nakuha ang sakit dahil wala ring travel history habang naka-admit na rin ang pasyente sa BRTTH.
Isa namang babaeng nurse, 21-anyos na mula sa Legazpi City si Bicol #27 na nagpakonsulta sa Albay Provincial Health Office nitong Abril 19 dahil sa exposure sa isang COVID-positive patient.
Walang ipinapamalas na sintomas ang ikalawang health worker sa Bicol na nagkaroon ng sakit habang nananatili na ngayon sa quarantine facility.
Sa kasalukuyan, nasa 28 na ang kabuuang bilang ng mga nagpositibo sa COVID-19 sa Bicol.
Samantala, 16 na rin sa Bicol ang naka-recover sa sakit sa pagnegatibo sa test nina Bicol #20, #21, #22, #23 at #24 na pawang mula sa Albay.