
LEGAZPI CITY – Ipinag-utos ng Police Regional Office 5 (PRO-5) ang pagsibak sa tatlong matataas na opisyal ng pulisya sa lalawigan ng Catanduanes kasunod ng pagkamatay ng isang Person Under Police Custody (PUPC) habang inililipat nitong mga nakaraang linggo.
Matatandaang naganap ang insidente sa Barangay Cumadaycaday, Del Gallego, Camarines Sur matapos umano siyang manlaban sa kanyang police escort hanggang sa siya ay mabaril at mapatay habang papunta sa Lalawigan ng Catanduanes matapos siyang maaresto sa Pasig City.
Ayon kay Catanduanes Police Provincial Office Public Information Officer Police Major Emsol Icawat sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, kabilang sa mga binigyan ng administrative relief orders ang Chief warrant section at Chief of Police ng San Miguel Municipal Police Station pati na rin ang Provincial Director ng kanilang tanggapan.
Nilinaw din niya na ang layunin ng pagsibak ay upang matiyak ang isang patas at malayang imbestigasyon na isasagawa ng Regional Internal Affairs Service sa insidente.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, ang nasawing biktima ay nagnegatibo sa paraffin test habang tatlo sa apat na arresting officer ay nagpositibo rin sa nasabing pagsusuri.
Tinitiyak din ni Icawat sa publiko na nagsasagawa sila ng parallel na imbestigasyon sa insidente at ipagpapatuloy ang kanilang trabaho sa Catanduanes Police Provincial Office.










