
LEGAZPI CITY—Tatlong katao ang dinala sa ospital matapos maaksidente ang kanilang sinasakyang tricycle sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Barangay Ubaliw, Polangui, Albay.
Makikita sa dash cam video na ang tricycle ay binabaybay ang highway at sinubukan nitong lumipat sa kanang linya (outer lane) ng kalsada ngunit nasagi nito ang kasabayang kotse.
Sumalpok ang tricycle sa kasalubong nitong truck na nagresulta sa pagkakatilapon ng tatlong sakay ng tricycle kabilang ang driver, backride nito, at isang pasahero sa loob ng nasabing sasakyan.
Bukod dito, dahil sa lakas ng pagkakabangga, nagtagilid din sa kalsada ang truck.
Ayon kay Brgy. Ubaliw, Polangui Kapitan Nong Sarte Zamora, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, habang nagsasagawa sila ng first aid ay naobserbahan nila na may malay ang driver at ang pasahero sa loob ng tricycle, ngunit ang backride ng tricycle ay hindi na nila maramdaman ang pulso nito.
Ang mga nasabing indibidwal ay kasalukuyang ginagamot sa isang ospital sa Ligao City para sa karagdagang medikal na atensyon.
Samantala, babala ng opisyal sa mga motorista na mag-doble ingat sa kanilang mga biyahe upang maiwasan ang mga ganitong insidente.