LEGAZPI CITY—Arestado ang apat na lalaki matapos maaktuhang gumagamit ng marijuana sa Busay Falls, Brgy.1-Poblacion sa bayan ng Malilipot, Albay.
Ayon kay Malilipot Municipal Police Station Chief of Police Captain Alex Alcantara, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, na habang sila ay nagsasagawa ng intelligence monitoring, nadakip sa akto ang apat na kalalakihang gumagamit ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana.
Dahil dito ay agad na inaresto ng kanilang operatiba ang naturang mga indibidwal.
Ang mga naaresto ay may edad na 19-anyos, 20-anyos, 22-anyos—kapwa mga estudyante sa kolehiyo; habang ang 26-anyos ay isang truck helper, at lahat sila ay residente ng nasabing bayan.
Dagdag pa ni Alcantara, tatlo sa kanila ang nagpositibo sa paggamit ng iligal na droga habang ang isa ay nagnegatibo rin sa drug test kung saan ito ay pinalaya na ng mga awtoridad dahil na rin sa release order ng prosecutor.
Samantala, mahaharap ang tatlong suspek sa kasong paglabag sa Sections 11, 12 at 15 Article II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.