LEGAZPI CITY – Hindi pumayag ang tatlong nagpositibo sa coronavirus disease (COVID-19) sa Albay na dalhin sa isolation area ng Department of Health (DOH) Bicol.
Una nang nabatid na nananatili pa rin ngayon sa kani-kaniyang bahay ang tatlo kung saan nasa Legazpi City ang American national, habang nasa Bacacay at Guinobatan ang dalawa.
Sinabi ni Dr. Antonio Ludovice, provincial health officer sa Albay na batay sa ulat ng mga alkalde sa nakakasakop, pinasundo sana ang mga ito kagabi subalit nakiusap na manatili na lamang sa sariling bahay.
Ayon kay Ludovice sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nagbigay ng kani-kaniyang dahilan ang mga COVID-positive at nangakong susunod sa istriktong home isolation.
Nabatid na asymptomatic o walang ipinapakitang sintomas ang mga ito na dadalhin sana sa isolation ward ng Bicol Regional Training and Teaching Hospital (BRTTH).
Sa pangamba na mabalikan sa pagkwestiyon sa karapatang pantao, hindi na pinilit pang sumama ang tatlo.
Sa ngayon, hinihintay na lamang ang swab sample na ipinadala para sa ikalawang testing upang mabatid kung negatibo o positibo pa rin ito sa virus.
Batay sa protocol ng DOH, kailangan na dalawang beses na magnegatibo ang mga ito tests upang makalabas ng pagamutan subalit ilalagay pa rin sa home quarantine.