LEGAZPI CITY – Tatlong lugar na sa Albay ang idineklarang African Swine Fever (ASF) free, ayon sa Albay Provincial Veterinary Office.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Dr. Pancho Mella, provincial veterinarian, nasa pink zone o buffer zone na mula sa red zone ang mga bayan ng Daraga, Malilipot at lungsod ng Ligao.
Ayon kay Mella, maituturing nang eligible sa pagtanggap ng nasabing deklarasyon ang lahat ng bayan at lungsod sa lalawigan subalit may mga requirements na kailangan pang ma-comply.
Dapat umanong wala nang panibagong kaso na naitala sa nakalipas na 40 araw sa bayan, may ordinansa sa prevention and control ng ASF, may rehistrasyon ng farmer’s profile sa lugar, may recovery protocol, at nagsagawa ng depopulation matapos na ma-subject sa mandatory culling.
Kailangan ding may cleaning and disinfection na ipinatupad bago ang pagkuha ng environment samples, negative na sa test ang mga sentinel pigs na inilagay at nakapagsumite ng kaukulang dokumento sa Department of Agriculture (DA).
Napag-alaman na siyam na bayan sa Albay ang naapektuhan ng ASF at anim pa ang nag-aasikaso para sa maideklara na ring ASF-free kabilang na ang Pioduran, Polangui, Oas, Bacacay, Malinao at Tabaco City.