LEGAZPI CITY (UPDATE) – Lumabas sa isinagawang imbestigasyon ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) na pinatay ang tatlong aspirants ng Donsol, Sorsogon, sa pamamagitan ng “execution” sa Barangay Busay, Daraga, Albay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay P/Col. James Belgira, medico-legal officer ng SOCO at assistant chief ng Regional Crime Laboratory, sinabi nito na nakita sa otopsiya na pawang “headshot” ang tinamo ng tatlong biktima na indikasyon umano na wala na talagang balak buhayin ang mga ito.
Tatlong basyo ng bala ng 9mm na baril ang narekober sa crime scene subalit hindi nakita ang ginamit na firearm.
Ayon kay Belgira, malaki ang posibilidad na pinatay ang mga biktima sa mismong paupahang establisyimento kung saan nadiskubre ang katawan ng mga ito.
Aniya, posibleng ginamitan ng “silencer” ang baril kung kaya walang narinig na putok ang mga kalapit na residente.
Sinabi pa ni Belgira na mayroong pagitan na dalawa hanggang tatlong oras ang pagpatay sa bawat biktima na mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon noong Nobyembre 11 dahil base sa estado ng katawan ng mga ito.
Samantala, sinabi ni Police Regional Office-5 director B/Gen. Jonnel Estomo na kanila nang itinuturing na “solved” na ang nasabing murder case matapos kumpirmahin na ang dating whistleblower na si Peter Joemel Advincula alyas ”Bikoy” ang responsable sa pagpatay sa tatlong personalidad.