Umabot sa 288 volcanic earthquakes ang naitala sa Bulkang Taal matapos ang 24-hour observation period.
Batay sa abiso ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), nangangahulugan ito ng elevated unrest sa naturang bulkan.
Nabatid na karamihan sa mga naitalang pagyanig ay volcanic tremor events na tumagal ng isa hanggang 20 minuto habang may 39 low frequency na lindol rin na naobserbahan.
Mababaw rin ang mga ito na natukoy sa lalim na hanggang limang kilometro ang mga lindol sa ilalim ng Taal Volcano Island at hilagang-silangan ng Taal Lake.
Namataan rin ang nasa 300 metro na taas ang puting usok na ibinubuga ng bulkan habang batay sa pinakahuling pagsukat ng sulfur dioxide emission, nasa average 2,214 tonelada sa bawat araw.
Maaaring nangangahuluhan umano ito ng tuloy-tuloy na aktibidad ng magma sa mabababaw na bahagi ng bulkan lalo pa’t namamaga rin ang bahagi ng Taal Volcano Island.
Samantala, nakataas pa rin ang Alert Level 2 o Increased Unrest sa nasabing bulkan kaya’t patuloy ang paalala sa dalang peligro nito.