LEGAZPI CITY—Hindi bababa sa 27 pasahero at 13 rolling cargoes ang na-stranded sa Virac port sa lalawigan ng Catanduanes dahil sa epekto ng Typhoon Crising.

Ayon kay Commander of Coast Guard Station Catanduanes Lieutenant Junior Grade Kees G. Villanueva, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, karamihan sa mga stranded na pasahero sa pantalan ay mga pahinante at driver ng mga truckage.

Aniya, nakatakda na sanang bumiyahe ang mga stranded na pasahero patungong Tabaco port ngunit dahil may ilang lugar sa lalawigan ang nasa ilalim na ng Tropical Wind Signal Number 1 kaya kinansela na ang kanilang mga biyahe.

Dagdag pa ni Villanueva, naka-standby 24/7 ang Coast Guard Station Catanduanes para magbigay ng tulong sa mga biyahero sa mga pantalan sa lalawigan.

Sa kasalukuyan, wala pang naitalang untoward incidents sa nasabing pantalan.

Samantala, binalaan din niya ang mga pasahero na huwag nang piliting bumiyahe dahil kanselado na ang mga biyahe sa mga pantalan sa lugar.

Umapela din siya sa mga mangingisda na huwag nang pilitin ang kanilang sarili na pumunta pang laot dahil sa banta ng masamang panahon.