Photo courtesy. Tabaco City Mayor Krisel Lagman-Luistro

LEGAZPI CITY- Inspirasyon ngayon ang mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) sa lungsod ng Tabaco sa Albay kasunod ng pagtatapos sa elementarya at Junior High School sa ilalim ng Alternative Learning System (ALS).

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay J/CInsp Freddie Caballero, Jail Warden ng Tabaco City District Jail, nasa 65 ang kabuuang bilang mga PDLs na nag-aral sa ilalim ng ALS, subalit 26 lang dito ang nakapasa at nakasama sa moving up ceremony.

Ang mga hindi naman nakapasa ay bibigyan pa rin ng tsansa na makapagtapos.

Nagsimula ang naturang hakbang sa pamamagitan ng memorandum of agreement sa pagitan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at Department of Education (DepEd).

Nilalayon nito na mabigyan ng pangalawang pagkakataon ang mga PDLs na maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral at makapagtapos kahit nasa loob ng kulungan.

Ayon kay Caballero, ang pagtatapos ng naturang mga PDL ay patunay lamang na hindi hadlang ang rehas sa pag-aaral.

Samantala, maliban sa edukasyon, tinuturuan din ang mga PDL sa lungsod ng ilang mga livelihood programs tulad ng paggawan ng mga handicrafts at pagbi-bake ng tinapay.