LEGAZPI CITY – Naaresto ng kapulisan sa Bicol region ang nasa 2,590 individual na nahaharap sa iba’t ibang kaso.
Batay sa ipinalabas na tala ng Police Regional Office 5 (PRO5), matagumpay na naaresto ang mga wanted persons sa anim na lalawigan at mga lungsod sa rehiyon simula Enero hanggang Hunyo ngayong taon.
Ayon sa PNP Kasurog Cops, 11 sa mga naaresto ang high-profile individual most wanted persons na may kaukulang patong sa ulo, habang 601 ang categorized bilang most wanted persons, at ang natitirang 1,978 naman ay classified bilang other wanted persons.
Lumalabas din sa datos na sa anim na lalawigan, ang Camarines Sur ang may pinaka maraming naaresto na umabot sa 662 individual, pumapangalawa naman ang Albay na mayroong 463, Masbate na may 419, habang ang Sorsogon ay nakapag aresto ng 373, Camarines Norte 323, Catanduanes 180, at Naga City na mayroong 159 arrested wanted persons.
Samantala, itinuturing ng PNP Bicol na ang pagkaka-aresto ng aabot sa 2,600 wanted persons ay patunay ng dedikasyon ng kapulisan na malabanan ang kriminalidad, maibigay ang hustisya sa mga biktima at mapanatili ang katahimikan sa Bicol.