LEGAZPI CITY—Sugatan ang 24 katao kabilang ang 22 estudyante maging ang driver at pahinante matapos maaksidente ang sinasakyang truck sa bayan ng Caramoran, Catanduanes.


Ayon kay Caramoran Municipal Police Station Chief of Police Captain Jumar Delavin, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, patungo umano sa bayan ng Virac ang mga naturang estudyante nang mawalan ng preno ang truck dahilan upang maaksidente ito.


Sa kasalukuyan, nakauwi na aniya ang ilan sa mga sugatang estudyante ngunit ang iba ay patuloy pa rin na nagpapagaling sa ospital.


Dagdag pa ng opisyal na walang ibang nadamay na sasakyan o tao nang mangyari ang insidente.


Panawagan din ni Delavin sa mga motorista na tiyaking nasa maayos na kondisyon ang kanilang mga sasakyan nang sa gayon ay maging ligtas ang kanilang mga pasahero sakaling sila ay bumiyahe.