LEGAZPI CITY – “Bigger and better” Abaca Festival umano ang aasahan sa Catanduanes ngayong taon, ayon sa Catanduanes Provincial Tourism Office.

Kasunod ito ng opisyal na ring pagkilala sa lalawigan bilang “Abaca Capital of the Philippines”.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Carmel Garcia, provincial tourism officer, nakalinya na ang mga aktibidad para sa huling linggo ng Mayo mula 24 hanggang 28.

Matapos ang dalawang taon na virtual lamang ang pagdiriwang, idaraos ang festival ngayong 2022 na “face-to-face” na.

Ayon kay Garcia, nag-imbita ng 200 moto-vloggers na iikot para sa 360-ride sa island province upang i-promote ang iba’t ibang tourism sites.

Inaasahang malaking boost ito sa industriya kaagapay ng buong suporta ng provincial government sa marketing at promotion ng produksyon ng abaca.

Kinikilala rin ng sektor ang kahalagahan ng mga magsasaka kaya’t nakatakdang maglunsad ng one-stop place na mistulang abaca village.

Dito makikita ang iba’t ibang aktibidad ng abaca community mula sa pagtatanim ng raw abaca plant, paggawa ng pinukpok, paghahabi hanggang sa paglikha ng iba’t ibang produkto.

Carmel Garcia, provincial tourism officer