LEGAZPI CITY-Na-trap sa isang lugar sa Purok 2 Barangay Cotmon, Camalig Albay ang nasa 20 indibidwal dahil sa malakas na agos ng tubig dulot ng malalakas na pagulan.


Ayon kay Acting Municipal Fire Marshal Camalig Fire Station Fire Inspector Warren Orendain, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nagsagawa sila ng pagresponde sa oras na 8:00 ng umaga sa Purok 2 Cotmon sa Camalig dahil sa mga indibidwal na na-trap habang hanggang leeg ang tubig dito.


Gumamit ng mga lubid ang mga awtoridad para iligtas ang nasa limang pamilya mula sa palayan malapit sa ilog sa lugar.


Dagdag pa ng opisyal, kasama nila sa pagresponde ang Mayor ng Camalig, Philippine National Police, Department of Social and Welfare and Development at lokal na pamahalaan.


Sa kasalukuyan, dinala na ito sa Cotmon National High School at nailigtas ang mga pamilya.


Dagdag pa ng opisyal, may pagbaha sa nasabing lugar dahil sa naiiipon ang tubig doon sakaling umuulan.


Aniya, hindi inaasahan ng mga pamilyang nasagip ang pagtaas ng tubig kaya hindi sila nakaalis kaagad.


Isinagawa din ang monitoring kasama ang Camalig National Disaster Risk Reduction and Management Office.


Batay sa command center, iniinspeksyon din nila ang komunidad kada anim na oras at nakikisabay din sa mga update na inilalabas ng lokal na pamahalaan.


Ang mga opisyal ay nakikipag-ugnayan sa pamamagitan ng telepono upang mag-ulat at makapag-responde kasunod ng iba pang mga ahensya.


Nagbabala ang opisyal sa mga residente ng Camalig na sakaling bumuhos ang malakas na ulan, kung sila ay nasa mababang lugar, huwag nang hintayin na ma-trap sa lugar at umalis bago sumapit ang gabi dahil mahirap na tumugon sa oras na ito, para makalikas sila bago pa tumaas ang tubig sa lugar.