LEGAZPI CITY – Nasa 20 bayan at lungsod pa sa Bicol ang mayroong aktibong kaso ng sakit na African Swine Fever o ASF.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Department of Agriculture Bicol spokesperson Lovella Guarin, mula ang naturang mga kaso sa mga lalawign ng Camarines Norte na may pitong bayan na apektado; Camarines Sur na may lima; Masbate, apat; Sorsogon, dalawa at Albay na may isang bayan.
Sa naturang bilang ng mga bayan na may aktibong kaso ng ASF ay kinakailangan pa na maghintay ng 90 days upang malaman kung wala nang magpopositibo sa pamamagitan ng isinasagawang regular na surveillance, blood sampling, collection at testing.
Nilalayon ng hakbang na maiwasan ang lalo pang pagkalat ng sakit sa mga karatig bayan.
Ayon kay Guarin, mayroon pa ring mga nakalatag na animal quarantine checkpoints upang matiyak na walang nakakalabas na buhay o karneng baboy mula sa mga lugar na kontaminado ng African Swine Fever.
Samantala, inihayag ng opisyal na nabigyan na ng ayuda ang mga apektadong hog raiers sa halagang P5,000 per head ng mga na-depopulate na baboy.