LEGAZPI CITY – Nakapagtala ng dalawang pagyanig sa paligid ng Bulkang Mayon sa mga nakalipas na oras.
Batay sa latest volcano bulletin na ibinaba ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), kasabay nito ang namataan na anim na rockfall events.
Patuloy rin na naoobserbahan ang buga ng mahina hanggang sa kung minsan katamtamang singaw ng puting usok na patungo sa hilaga at hilagang-kanlurang direksyon ng bulkan.
Ayon pa sa Phivolcs, nakikitaan pa ng pamamaga ang ibabang bahagi ng bulkan matapos ang una nang naitalang short-term deflation.
Nananatili naman sa Alert Level 1 status ang Bulkang Mayon kaya’t mahigpit ang paalala sa publiko na abnormal pa ang kondisyon nito.
Sa gayon, posible pa ang mga aktibidad sa bulkan na magdadala ng panganib sa mga tao kagaya na lamang ng rockfalls, pagguho ng lupa, pagbuga ng abo at phreatic eruptions mula sa tuktok.
Kung malakas naman ang buhos ng ulan, kakayaning maidausdos pababa sa mga river channels ang mga lahar deposits na naipon sa mga nakalipas na pag-aalboroto.