LEGAZPI CITY – Nanawagan ang Public Safety Office (PSO) Daraga sa mga tauhan ng opisina na palaging piliin ang paggawa ng tama lalo na sa sinumpaang trabaho.

Ito ay matapos na may magpositibo sa iligal na droga sa mga tauhan ng opisina sa isinagawang random drug testing ng Municipal Health Office.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PSO Daraga Chief Vicente Naira, dalawang PSO personnel ang nagpositibo na kasalukuyan nang sinuspende.

Nilinaw ng opisyal na hindi pa makakabalik sa trabaho ang dalawang tauhan dahil kailangan pa nitong isailalim sa assessment program na inilunsad ng Rural Health Unit.

Sakaling makapasa sa nasabing assessment nasa mayor na umano ng Daraga ang magiging discretion kung makababalik pa ito sa serbisyo o hindi na.

Nanawagan naman sa publiko si Naira na bukas ang opisina sakaling mayroong mga reklamo sa mga PSO personnel.