LEGAZPI CITY – Kinumpirma ng Department of Education (DepEd) Bicol na may dalawang pribadong eskwelahan sa Camarines Sur ang nagpahayag ng pagsasara sa gitna ng coronavirus pandemic.

Isa rito ang “child play” sa Pili na tumatanggap ng mga batang hanggang 3-anyos at ang maliit na eskwelahan sa Nabua na hanggang Senior High School ang pumapasok.

Sinabi ni DepEd Bicol Regional Director Gilbert Sadsad sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, hindi maiiwasan ang mga kaparehong insidente lalo na sa mga walang kapasidad na makabayad sa operasyon ng eskwelahan.

DepEd Bicol Regional Director Gilbert Sadsad

Inihayag pa ni Sadsad na kahit blended learning ang ipatutupad o may gamit na online at printed materials, may presensya pa rin ng guro na sinasahuran sa pribado sa pamamagitan ng tuition fee.

Pagbabahagi pa ni Sadsad na bago pa man ang pandemic o isang taon bago ang pagpasok ng bagong school year, mayroon nang mga private schools na nagpaabot sa 10% increase sa tuition fee na dumaan naman umano sa konsultasyon sa mga magulang.

Samantala, ipinapasakamay na lamang ng DepEd Bicol sa mga private school administration ang pagdedesisyon sa pag-adjust ng miscellaneous fee o laboratory fees kasabay ng apela na maging sensitibo at maiging mag-evaluate sa desisyon.

DepEd Bicol Regional Director Gilbert Sadsad

Nabatid na pinagsusumite rin ng ahensya ang mga private schools ng Learning Continuity Plan para sa School Year 2020-21.