LEGAZPI CITY – Patay ang 2, habang 9 ang pinaniniwalaang kritikal habang sugatan ang ibang pasahero kasama ang mismong driver ng Public Utility Jeepney (PUJ) na ngayo’y ginagamot na sa Sorsogon Provincial Hospital ito’y matapos ang nangyaring banggaan ng pampasaherong jeep at Cement Mixer sa bayan ng Castilla, Sorsogon.
Sa naging exclusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Castilla Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) head Edgar Ardales, nagpapasalamat ito dahil sa dami ng tumulong ay napagaan ang response operation ng MDRRMO, Philippine National Police at Bureau of Fire Protection para agarang madala ang mga biktima sa pinaka malapit na ospital.
Samantala sa exclusibo din na panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Castilla Municipal Police Spokesperson, PCpl Airic Samonte, sinabi nitong sumabog ang unahang gulong ng jeep rason kung bakit nawalan ng kontrol ang driver at bumanggal sa cement mixer.
Sa datos tinatayang 17 ang sakay ng jeep na mula sa Barangay ng Cumadcad na babyahe patungong Sorsogon habang ang mixer ay papuntang syudad ng Legazpi.
Hawak narin ngayon ng mga kapulisan ang driver ng cement mixer upang makuhanan ng kanyang salaysay at dumaan sa tamang proseso.
Sa kabila ng matinding aksidente nagpaalala ang dalawang opisyal na mag doble ingat sa pagmamaneho ng ano mang klase ng sasakyan upang maiwasan ang kaparehong aksidente.