LEGAZPI CITY – Kinumpirma ng Department of Education ang tuluyan na pagpapasara ng dalawang paaralan sa Albay na pasok sa 6km permanent danger zone ng bulkang Mayon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay education department Bico spokesperson Mayflor Jumamil, kabilang sa mga paaralan na ito ang Calbayog Elementary School sa bayan ng Malilipot at Magapo Elementary School sa Tabaco.

Ito ay dahil delikado na para sa mga mag-aaral na pumasok pa sa naturang mga paaralan na nasa loob ng danger zone ng nag-aalburotong bulkan.

Target ng tanggapan na magpatayo na lang ng bagong mga paaralan kung saan ililipat ang mga apektadong guro, estudyante at mga gamit.

Habang hindi pa nakakapagpagawa, pinayuhan ang mga magulang ng naturang mga mag-aaral na magpag-enroll na muna sa ibang paaralan na malayo sa danger zone ng bulkan.

May ilan naman na magsasagawa ng online class o module scheme upang maipagpatuloy pa rin ang pag-aaral ng mga estudyanteng apektado.

Sa ngayon ay inaasikaso na ng Department of Education ang mga kinakailangang requirements at proseso upang makahingi ng pondo para sa ipapatayonng bagong mga paaralan.