LEGAZPI CITY – Patay ang dalawang menor de edad matapos masagasaan ng isang pick-up sa Barangay Bislig, San Andres, Catanduanes.

Ang naturang sasakyan ay pag-aari ng pamahalaang panlalawigan ng Catanduanes.

Batay sa paunang imbestigasyon na isinagawa ng San Andres Pulis, binabaybay ng puting pick-up ang kahabaan ng kalsada mula sa bayan ng Pandan patungo sa bayan ng Virac nang aksidenteng kainin nito ang kabilang linya ng kalsada sa bahagi ng Barangay Bislig.

Una nitong sinalpok ang isang 9 na taong gulang na batang lalaki na nakabisekleta, sumunod ang isang 16 anyos na dalagita na naglalakad humigit kumulang 10 metro ang layo sa unang biktima. Kapwa sila residente ng naturang barangay at pauwi na sana sa kani-kanilang tahanan.

Parehong nagtamo ng malubhang sugat sa ibat-ibang bahagi ng katawan ang mga bata na agad isinugod sa ospital pero idineklara ring dead on arrival.

Ayon mismo sa drayber na kinilala bilang si Marlon Zafe, 32 anyos, may asawa, at residente ng Brgy. Gogon, Centro, Virac, nawalan umano ng kontrol ang sasakyan na kanyang minamaneho na nagresulta sa nasabing aksidente.

Kasalukuyan na itong nakakulong sa custodial facility ng San Andres MPS at mahaharap sa kaso ng paglabag sa Reckless Imprudence Resulting in Multiple Homicide.