LEGAZPI CITY – Nakalabas ng kulungan ang dalawang fraternity members na suspek sa kaso ng hazing sa Criminology student na si Omer Despabiladeras, 23-anyos dahil sa pagpaso ng reglementary period of detention habang wala ring naisampang kaso.

Una nang ikinustodiya ng Bulan Municipal Police Station sa Sorsogon ang mga ito kasunod ng insidente.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PMSgt. Edgar Calupit, tagapagsalita ng Bulan PNP, ipinaliwanag nitong nagbaba na ng release order para sa dalawa kahapon ng umaga.

Nilinaw ni Calupit na hindi pinababayaan ang kaso habang naghahanap pa ng ebidensya para sa pormal na paghahain nito laban sa mga suspek.

Pinag-aaralan rin kung maibibilang sa mga testigo ang dalawa.

Mismong ang piskalya umano ang naghayag na kailangan munang mahanap ang iba pang responsable sa krimen bago tanggapin ang kaso.

Pangako pa ni Calupit na ginagawa ang lahat upang maibigay ang hustisya para sa mga biktima.

Ilan rin aniyang biktima ng hazing sa Sorsogon ang lumutang na kasunod ng nangyari kay Despabiladeras.

PMSgt. Edgar Calupit, tagapagsalita ng Bulan PNP