LEGAZPI CITY—Inihayag ng grupong Bantay Bigas na hindi nagresulta sa pagtaas ng presyo ng bigas ang dalawang buwang pagbabawal sa pag-angkat ng bigas sa bansa.
Ayon kay Bantay Bigas Spokesperson Cathy Estavillo, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ito ay dahil sa patuloy na pagpapatupad ng Republic Act 11203 o Rice Liberalization Law.
Aniya, pumapalo sa P12-P14 ang presyo ng palay bago pa man ang mga nangyaring sama ng panahon sa bansa, at mas lalo na umano ngayong pagkatapos ng paghagupit ng mga bagyo kung saan umaabot sa P7 hanggang P12 ang presyo ng nasabing produkto partikular sa Central Luzon.
Samantala, nakatakda rin na magsagawa ng press conference ang grupo sa Oktubre 7 upang ipanawagan na bilhin sa P20 ang kada kilo ng palay ng mga magsasaka; ilaan ang pondo sa flood control projects sa pagbili sa mga palay ng mga magsasaka, gayundin ang support subsidy para sa kanila.
Nanawagan din si Estavillo na dapat nang kumilos ang gobyerno sa kung paano maipatataas ang presyo ng palay sa mga magsasaka.