LEGAZPI CITY – Halos 200 persons deprived of liberty (PDL) sa Sorsogon City District Jail ang nagkaroon ng oportunidad na makapili ng mga pinunong nais ihalal kasabay ng 2022 polls.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay JCInsp. Rodolfo Versoza, jail warden ng pasilidad, dapat sana’y 186 ang kabuuang bilang ng official registered voter ng PDL na lalahok sa onsite voting subalit nakalaya na ang isa bago pa man ang araw ng halalan.
Dahil kaunti lamang ang bilang, dakong alas-8:45 pa lamang ng umaga natapos nang bumoto ang mga ito.
Aminado si Versoza na mas “risky” para sa mga PDL ang onsite voting lalo na sa banta pa rin ng COVID-19 at mabilis na makakuha ng atensyon dahil bobotong nakaposas at PDL shirt.
Subalit, “fulfilling” naman umano sa pakiramdam ng mga PDL na makaboto sa polling precinct.
Nabatid na mula sa posisyon ng Pangulo, Pangalawang Pangulo, Senador hanggang Party-list lamang ang pwedeng botohan ng mga ito.
Samantala, nasa limang malalaking pasilidad naman ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang nagsagawa ng “onsite voting” sa Bicol.