LEGAZPI CITY – Malaking karangalan para sa pinakabatang surfer na mapasama sa Team Philippines para sa 2021 International Surfing Association World Surfing Games na gaganapin sa El Salvador sa Amerika sa Mayo 29 hanggang Hunyo 6.

Isa itong final qualifying event upang makapasok sa Tokyo Olympics

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Vea Estrallado, 17-anyos na residente ng Gubat, Sorsogon, hindi nasayang ang pitong taon na pagsasanay upang maging magaling na surfer at maging ganap na miyembro ng Team Pilipinas.

Ang 2021 ISA World Surfing Games ang pinakauna at pinakamalaking international competition na sasalihan nito.

Malaki rin ang pasasalamat ni Estrallado sa coach nito na siyang humubog at nagturo ng surfing ng ito ay 9-anyos pa lamang.

Aminado rin ang 17-anyos na surfer na kinakabahan sa darating na laban subalit tiniyak na gagawin ang lahat upang maiuwi ang tagumpay sa Pilipinas.

Sa ngayon, tuloy-tuloy na ang isinasagawang training ni Estrallado at pag-kondisyon sa physical at mental health bilang paghahanda sa papalapit sa kompetisyon