LEGAZPI CITY – Nasa 16 na pamilya ang nananatili ngayon sa evacuaton center matapos na makapagtala ng landslide sa Purok 1 Brgy. Buraguis Legazpi City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Engr. Miladee Azur, head ng Legazpi City Disaster Risk Reduction and Management Office, isang two-storey na bahay ang nahulog sa ilog matapos na gumuho ang mismong kinatatayuan na lupa.
Ayon kay Azur, nagsagawa na ng assessment ang Mines and Geosciences Bureau o MGB at Bureau of Fire Protection sa lugar kung saan napag-alamang delikado ng tirahan dahil posibleng masunduan pa ang mga naitalang pagguho ng lupa.
Inabisuhan din ang barangay na huwag na munang pabalikin ang mga apektadong residente at ibakante na muna ang lugar.
Nakikipag-ugnayan na ang tanggapan sa Department of Social Welfare and Development para sa mga susunod na hakbang sa mga naapektuhan ng landslide.
Samantala sa hiwalay na panayam kay Danilo Sarsilla, may-ari ng nahulog na bahay, sinabi nito na ito ang unang pagkakataon na nakaranas ng matinding landslide sa lugar sa loob ng 30 taon na paninirahan dito.
Aniya, walang naisalbang mga gamit matapos na mahulog ang buong bahay sa ilog.
Sa kabila nito, ipinagpapasalamat naman ni Sarsilla na ligtas ang buong pamilya kahit walang bahay sa pagsalubong ng bagong taon.