LEGAZPI CITY – Sugatan ang 14 na katao matapos na mahulog ang sinasakyang tricycle sa bangin sa Barangay Progreso ng San Miguel sa Catanduanes.
Ayon kay PMaj. Lester Quililan ang hepe ng San Miguel Municipal Police Station, agad na rumesponde ang kanilang mga tauhan ng makatanggap ng report na isang tricycle ang nahulog sa bangin na may lalim na 10 feet.
Humihingi na rin ng tulong ang kapulisan sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council na nagdala ng ambulansya sa pagresponde sa lugar.
Base sa imbestigasyon ng Philippine National Police, lumalabas na maulan ng mangyari ang insidente kung kaya madulas ang daan dahilan kung kaya nawalan ng kontrol ang driver at nahulog sa bangin.
Sinisisi rin ng opisyal ang sobaa-sobrang sakay ng tricycle kung kaya nangyari ang insidente.
Mabuti na lamang at mahina ang takbo ng tricycle kung kaya hindi gaanong kalakas ang impact ng pagbagsak nito at nagtamo lamang ng mga sugat sa katawan ang mga biktima.
Sa ngayon ay nasa mabuti ng kondisyon ang mga biktima na nabigyan na ng medikal na atensyon sa ospital.