LEGAZPI CITY – Nangako ng tulong si Sorsogon Gov. Chiz Escudero para sa muling pagbangon ng mga nasunugan sa Brgy. Obrero sa bayan ng Bulan.
Personal na bumisita si Escudero sa 13 pamilya na kasalukuyang nananatili sa Obrero Elementary School.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Dong Mendoza, provincial information officer ng Sorsogon, nagbigay ng tig-P10, 000 na cash assistance sa bawat pamilya.
Maaalalang mabilis na natupok ng apoy ang bahay ng mga ito na yari sa light materials.
Maging ang construction materials ay sasagutin rin ng pamahalaang panlalawigan na inaasahang darating sa lugar ngayong linggo.
Nagtungo na rin sa lugar ang mga heavy equipment ng provincial government upang umaagapay sa pagtulong sa pagbangon ng mga residenteng naapektuhan subalit dahil eskinita ang daanan, nahirapang makapasok.
Tinitingnan rin ang paglulunsad ng cash o food for work program sa paglilinis ng area.