LEGAZPI CITY – (Update) Nakahinga ng medyo maluwag ang mga lokal na opisyal at empleyado ng municipal hall sa Manito, Albay matapos na magnegatibo sa swab test ang 11 sa 24 na nakasalamuha ni Bicol #90.
Kung babalikan, nagdulot ng pangamba ang pagbisita nito sa lugar matapos na mapag-alamang negatibo ito sa coronavirus disease sa rapid test subalit positibo naman sa swab test.
Ayon kay Municipal Councilor Marilou Dagsil sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi, negatibo sa swab test ang direct contacts ng pasyente na mismong kapatid nito na empleyado ng munisipyo at ang isang pamangkin.
Hinihintay na lamang ang resulta ng 13 pang nagpa-test habang maging ang mga kasapi ng Sangguniang Bayan ay magpapa-swab test na rin umano.
Dagdag pa ng Committee on Health ng Sangguniang Bayan chairman na maliban sa naturang bilang, nabatid na may 57 pang umuwi sa bayan na Locally Stranded Individuals (LSIs) sa pamamagitan ng Balik Probinsiya Program.
Anim sa mga ito ang napag-alamang positibo sa rapid testing at nananatili na sa ospital ng Manito habang nasa LGU quarantine facility ang iba pa.
Samantala, nagsumite na rin si Dagsil ng resolusyon sa SB ukol sa hinigpitang hakbang sa pagsusuot ng facemask at “No Backride Policy”.