LEGAZPI CITY – Nadagdagan pa ng tatlong panibagong nagpositibo sa coronavirus disease ang Bicol kaya’t pumalo na sa 42 ang kabuuang bilang ng mga kaso.
Itinuturing na pinakabatang nagpositibo sa sakit ang isang 11-month old baby girl mula sa Ligao City na nakumpirmang bumiyahe ang pamilya sa labas ng rehiyon.
Nitong Abril 20 lamang nang makitaan ng mga sintomas ang sanggol at ngayo’y naka-admit na sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital (BRTTH).
Health worker naman ang ika-41 kaso, isang 45-anyos na babae na mula sa Legazpi City na unang nagkasakit nitong Abril 25 at kasalukuyan nang nasa BRTTH.
Asymptomatic naman ang isa pang nagpositibo na 39-anyos na babaeng health worker mula sa Daraga, Albay.
Samantala mula ngayong araw, Mayo 1, isasailalim na ang buong lalawigan sa General Community Quarantine kaya’t mahigpit ang paalala ng DOH Bicol na huwag itong tratuhin na hudyat ng kalayaan at sumunod sa precautionary measures kagaya ng social distancing, paggamit ng face mask, pananatili sa bahay at iba pang protocol.