LEGAZPI CITY – Aabot sa 1 gigawatt o 1,000 megawatts ng kuryente ang inaasahan na kayang i-generate sa Albay kung sakaling matapos na ang pagpapatayo ng mga renewable energy sources sa lalawigan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Larry Pascua ang Senior Energy Consultant ng Philippine Moverment for Climate Justice, kayang-kaya nang suplayan nito ang nasa 100 megawatts ng kuryente na kinakailangan sa buong lalawigan.
Kasama sa mga target na maipatayo ng provincial government ang mga geothermal power plant, hydro-electric power plant, at mga solar panels at windmills.
Sa ngayon ay nag-iikot na ang Philippine Movement for Climate Justice at mga tanggapan ng pamahalaan sa iba’t-ibang bahagi ng lalawigan upang malaman kung anong mga lugar ang maaaring mapagtayuan ng mga pasilidad.
Inaasahan na aabutin pa ng ilang taon bago matapos ang binubuong plano at pormal na maitayo ang mga kinakailangang istruktura.