LEGAZPI CITY – Sumuko sa Legazpi City Police Station ang sampu sa 21 suspek sa kontrobersyal na pamamaslang sa dating bodyguard ni dating Biliran Representative, Atty. Glenn Chong na si Richard Red Santillan at Gessamyn “Minmin” Casing sa Cainta, Rizal.
Kung babalikan, pinaslang ang aide ng tumatakbo noong senatorial aspirant sa isa umanong shootout matapos na paghinalaang kasapi ng “Highway Boys,” ang sindikatong sangkot sa robbery, illegal drugs at murder sa naturang bayan.
Subalit lumabas sa imbestigasyong isinagawa ng NBI noon na posibleng naipagkamali lamang ang SUV na sinakyan ng mga biktima na galing sa annual gift-giving activity.
Sa inilabas na impormasyon ng Police Regional Office 5, tatlong taon ding nagtago ang mga ito matapos mangyari ang krimen noong Disyembre 10, 2018.
Dakong alas-10:30 kaninang umaga nang sumuko sa naturang himpilan sina PSSg Julius Villadarez, tubong Quezon City; PSSg Richard Raagas, PCpl Arthur Gerard Ignacio; Pat Napoleon Relox; Pat Jordan Antonio; Pat Marvin Santos; at Pat Terry Anthony Alcantara, pawang mga taga-Rizal.
Kasama pa sina Pat Efren Areola Jr. at PCpl Merwin Macam, residente ng Pangasinan at PCpl Diogenes Barrameda Jr., taga Antipolo City na mga dating miyembro ng Highway Patrol Group at Police Regional Office 4A.
Nahaharap ang mga ito sa kasong murder batay sa inilabas na arrest warrant ng RTC, Branch 99, Antipolo City para sa dalawang kasong Murder.
Ikinustodiya na rin ang mga ito sa naturang himpilan para sa karampatang disposisyon.
Sa kabilang dako, umaasa ang mga naturang pulis na pakikinggan din ang kanilang hanay kaugnay ng mga ibinabatong alegasyon kaya’t nagdesisyon na sumuko na sa mga alagad ng batas.