Nasa sampung mga Pililipino ang kasalukuyang nananatili sa temporary shelter ng Embahada ng Pilipinas sa Syria.
Ayon kay John G. Reyes, Chargé d’Affaires Philippine Embassy sa Damascus, Syria sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na humingi ng tulong ang naturang mga Pilipino matapos mabahala sa nangyaring kaguluhan sa naturang bansa.
Sa kabila nito ay wala pa umanong nagpapahayag ng pagnanais na umuwi sa Pilipinas, lalo pa ngayon na unti-unti ng bumabalik sa normal ang sitwasyon sa bansa.
Samantala, siniguro naman ng opisyal na regular ang kanilang komunikasyon sa mahigit 700 na mga Pilipino sa iba’t ibang bahagi ng Syria at handa sila na magbigay ng tulong kung sakaling magpapasya ang mga ito na magpa-repatriate.
Handa umano ang pamahalaan ng Pilipinas na sagutin ang gastos sa pag-uwi sa bansa at pagbabayad ng mga penalidad na ipapataw para sa mga hindi matatapos ang kanilang kontrata.
Maliban dito ay siniguro rin ng opisyal ang pagbibigay ng livelihood program, psychosocial support at iba pang tulong.
Siniguro naman ni Reyes na sapat ang suplay ng pagkain at pangunahing pangangailangan sa naturang bansa lalo pa at maaga ring nakapag handa sa sitwasyon ang embahada.