LEGAZPI CITY- Nasangkot sa aksidente sa Alaminos, Laguna ang mga Sangguniang Kabataan officials mula sa Tabaco City, Albay.
Ayon kay Tabaco City Mayor Krisel Lagman-Luistro na galing ang naturang mga biktika sa biyahe nito sa Siargao.
Nabatid na isa sa mga opisyal ang binawian ng buhay habang pitong iba pa ang nagtamo ng mga injuries dahil sa tindi ng impact ng pagkakabangga ng sinasakyan nitong van.
Dalawa sa mga biktima ang dinala sa Maynila upang gamutin ang mga tinamong fractures habang ang iba ay nagpapagaling pa sa pagamutan sa Laguna.
Aminado ang alkalde na hindi niya alam ang hinggil sa biyahe ng naturang mga Sangguniang Kabataan officials dahil hindi na dumadaan sa lokal na pamahalaan ang mga aktibidad nito.
Samantala, ayon kay Luistro na agad naman na nagpaabot ng tulong ang lokal na pamahalaan sa pamilya ng mga biktima upang makapagbiyahe papunta sa kanilang mga kaanak.
Maging ang Department of Social Welfare and Development Bicol ay nagpaabot na rin umano ng tulong para sa mga nasangkot sa naturang aksidente.
Samantala, nagpaalala naman ang alkalde na kinakailangang dumaan sa tamang proseso ang anumang biyahe ng mga opisyal ng barangay o pamahalaan.