LEGAZPI CITY—Naitala ang isang casualty at isang sugatan na indibidwal dahil sa pananalasa ng bagyong Uwan sa Bicol.

Ayon kay Office of Civil Defense Bicol Spokesperson Gremil Naz, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, kinilala ang namatay na indibidwal na isang 48-taong-gulang na lalaki mula sa San Jose Poblacion, Viga, Catanduanes.

Ayon sa opisyal, bumalik ang biktima sa kaniyang lugar upang tingnan ang kanyang mga alagang baboy ngunit pagdating niya rito ay tinangay ito ng malakas na agos ng baha.

Samantala, naitala rin ang isang nasugatang indibidwal mula sa Bato, Catanduanes kung saan nahulog umano ito mula sa bubong habang inihahanda ang kanilang bahay dahil sa posibleng epekto ng bagyo.

Aniya dinala ang nasabing indibidwal sa ospital para sa kaukulang tulong medikal.

Samantala, nasa 155,000 pamilya o katumbas ng 545,000 indibidwal ang inilikas sa loob at labas ng mga evacuation center sa rehiyon.

Umabot din sa 225,000 pamilya o katumbas ng 822,000 katao ang kabuuang apektadong populasyon sa Bicol.

Mensahe ni Naz sa publiko na ginagawa ng gobyerno ang lahat sa pakikipagtulungan sa mga electric cooperative, telecommunication partners at iba pa upang mapabilis ang early recovery sa rehiyon