LEGAZPI CITY—Kinumpirma ng mga awtoridad na isang indibidwal ang nasawi matapos matumbahan ng kahoy ang kanyang bahay sa gitna ng pananalasa ng bagyong Opong sa Barangay Rizal, Monreal, Masbate.
Ayon kay Monreal Fire Station Officer-in-charge Senior Fire Officer 2 Dino Bo, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ang 30-anyos na biktima ay nadaganan ng nahulog na kahoy maging ng kisame habang ito ay nasa loob ng kanilang bahay.
Isinugod pa aniya sa ospital ang biktima kung saan nadiskubre ng doktor na may internal bleeding ito na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.
Hindi umano lumikas ang biktima at naipaalam ang ulat sa kanilang tanggapan kinaumagahan na ng Biyernes, Setyembre 26, kung saan dinala ito ng mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office sa ospital para sa paunang lunas.
Dagdag pa ng opisyal, hindi lahat ng residente ay lumikas at may ilang indibidwal ang nagpaiwan sa kanilang mga tirahan upang i-secure ang kanilang mga ari-arian.
Samantala, aabot sa 682 pamilya o nasa 1,761 indibidwal ang inilikas sa naturang bayan sa pananalasa ng Bagyong Opong.