LEGAZPI CITY- Tumaas ang nakolektang mga basura sa Bicol region ngayong taon kumpara noong 2023 batay sa naging resulta ng isinagawang coastal clean up noong weekend.
Ayon kay Department of Environment and Natural Resources Bicol Regional Public Affairs Officer Ancie Lawenko sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na naipon ng nasa 6, 223 volunteers ang 1, 395 na sako ng mga basura mula sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon.
Katumbas ito ng nasa 8, 180 kg ng basura na karamihan ay mula sa mga karagatan.
Nangangahulugan lamang umano ito na kinakailangan pang palakasin ang information campaign upang mas maipaunwa sa publiko ang responsibilidad sa pangangalaga sa kapaligiran.
Batay sa tala, pinakamaraming basura ay mula sa mga platic bags, takip ng mga plastic bottles, bottle cans, mineral water bottle, sachet ng iba’t ibang uri ng produkto, upos ng sigarilyo, disposable fork and spoon, plastic ng mga chichirya at iba pa.
Ayon pa kay Lawenko na marami pa rin ang mga basura mula sa lobo na bumabagsak sa karagatan sa kabila ng panawagan na iwasan na ang pagpapalipad ng mga baloons sa tuwing may okasyon.
Paliwanag ng opisyal na kinakain ng mga marine turtles ang naturang mga lobo na nagiging sanhi ng pagkamatay ng mga ito at nagdudulot ng extinction sa ilang mga marine animals.
Iginiit ng opisyal na kinakailangan na maging responsable ng publiko upang mapangalagaan ang kalikasan.