LEGAZPI CITY- Target ng gobyerno mabakunahan laban sa COVID 19 ang nasa 1.1 milyon na mga Bicolano sa isasagawang tatlong araw na National Vaccination Day simula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Dr. Monrey Isaiah Mancilla, ang OIC ng Regional Vaccination Operations Center, iniimbitahan nito ang lahat na edad 12 anyos pataas na makisabay sa isasagawang malawakang vaccination program sa ibat ibang vaccination areas sa rehiyon.

Kabilang sa ibibigay sa naturang mga araw ang first at second dose ng COVID 19 vaccines, booster shots at maging ang para sa mga kabataan.

Nakahanda na umano ang lahat ng kakailangan sa aktibidad kagaya ng venue, mga health workers maging mga volunteers kung kaya’t ang mga magpapabakuna na lamang ang kanilang kinakailangan.

Nabatid na sa buong bansa target ng gobyerno na umabot sa 15 milyon Pilipino ang mabakunahan sa National Vaccination Day.